Ano ang unang naiisip mo kapag
narinig mo ang salitang yan? Pagkain. Tama ka. Anong pagkain? Chicken joy,
sitserya, chicharon.
Dun tayo sa chicharon. Bakit pinili ko ang huli? Dahil yan ngayon ang
ulam ko dito sa opisina. Wala akong gustong ulam sa canteen. Paulit-ulit na
lang kasi ang menu nila doon. (Wala ka lang pambili ‘kamo, ungas! Idinahilan mo
pa ang canteen. Shhhh! Wag kang maingay na inutang ko ‘to kay ate Baby
Abadiano).
Kumakain ka ba ng chicharon? Masarap di ba? At maraming klase ng
chicharon. Pero itong ulam ko ngayon ang pinaka-gusto ko, chicharong baboy.
(sawsawan ay suka na maanghang). Kahit masakit na ang ngala-ngala ko sa pagkain
nyan, hindi ko pa rin tinitigilan hangga’t meron pa. Masarap kasi malutong. Na
sa bawat kagat ko nakagagawa ng ingay dahil sa kalutungan. Natatakam ka na ba?
Ako din eh. Pero matakam ka pa kaya kung makunat na ang chicharon na hawak ko o
ng hawak mo?
Pero bakit nga ba kumukunat ang chicharon? Kapag nag-iinuman kaming
magkaka-tropa laging may panghihinayang kapag ang isinubo kong chicharon ay
makunat na. Sabi nila dahil sa hangin. Kumukunat daw dahil sa hangin. Kapag
napabayaan mong nakabukas ang pinaglalagyan nito, madaling maapektuhan ang
kalutungan nito. (Lalo na kapag may kasama kayong mahangin... hehe!). Kaya
‘yung iba, kakabukas pa lang, kakainin na agad. Baka daw kumunat pa. Pero sa
totoo lang, matakaw lang sila mamulutan...
Paano naman natin maihahalintulad ito sa isang sitwasyon, sa buhay, sa
relasyon? Sa buhay natin, mayroon tayong kanya-kanyang chicharong hawak. Sa
simula, nakakatakam at sobrang lutong. Pero kung pababayaan mo lang, masasayang
lang. Minsan akala mo naiingatan mo ng tama, pero mapapansin mo sa huli
nagkamali ka pala ng pinaglagyan. Dapat kinain mo na lang.
Kung chicharon ang isang oportunidad na dumating sa buhay mo pero hindi
mo agad tinanggap, asahan mo ang panghihinayang na mararamdaman mo sa huli.
Maiisip mo na sana pala kinuha mo na, kinain mo na. Akala mo kasi ikaw ang
hahabulin ng oportunidad na ‘yun. At sa pagkakataon na ‘yun, hindi ang
chicharon ang nahanginan kundi ang ulo mo, engot! Nagka-hangin ka sa ulo.
Kung chicharon ang pakikipag-relasyon, gawa mo ng paraan para manatili
ang kalutungan nito. Dahil kapag dumating ang pagkakunat ng samahan nyo, iba na
ang feeling. Malaking kabawasan. Para ka na ding kumain ng makunat na chicharon
na mistulang babolgam habang nginunguya mo.
Kung chicharon ang buhay ng isang tao, bigyan mo ng importansya. Ito ang
pagsisisihan mo sa huli kapag binalewala mo at hindi pinahalagahan. Dahil kapag
ito ang pinabayaan mo, hindi lang pagkunat ang mangyayari sa buhay ng taong
‘yun. Magiging matigas pa ang katawan. Hindi na chicharon ang kakainin mo, kape
at biskwit na.
Oo, masama din ang sobrang pagkain ng chicharong baboy. Nakaka-hayblad.
Letse! Kahit ano pang sabihin nyo, blessing na sa akin sa oras na ito ang ulam
na iyan... CRISPY eh...
No comments:
Post a Comment