Wednesday, November 27, 2013

AIRCON

Madalas ba kayong maka-enkwentro ng mga taong ipinanganak na may kasamang aircon sa katawan? ‘Yung mga taong kapag nagkwento na eh feeling mo may parating na bagyo dahil sa lakas ng hangin? Mga taong akala nila kaya nilang gawin ang lahat at siya ang pinaka-magaling. Natutuwa ba kayong kasama ang ganitong klaseng tao o kinaiinisan nyo?


Aray! Isa ako sa mga iyan eh... hehe! Pero hayaan nyo akong ikwento ko sa inyo ang tungkol sa palito ng posporo. (naman baka mahabang kwento uli, nakakainip magbasa, picture na lang kaya pwede?) shunga ka talaga eh noh? Malalaman mo ba ang buong kwento kung larawan lang, aber? Para kang sa isang kakilala ko este dalawa pala nung minsan nag-usap sila. (anong pinag-usapan?). Basahin mo tukmol!

Girl 1: Tara bili tayo ng pagkain.
Girl 2: Katatapos lang natin kumain eh.
Girl 1: Shunga, pipicturan ko lang at ipo-post sa instagram at facebook!

(Ay? Sige na nga, kwento ka na, nakialam ka na naman). Sa loob ng bahay iba’t-ibang kagamitan ang makikita mo, mga gamit sa kusina, sa salas, sa kwarto, sa banyo at marami pang iba. Sa loob ng bahay matatagpuan din ang posporo. Na kahit saang sulok magpunta hindi mapigilan ng palito ng posporo ang magyabang kung ano ang kaya niyang gawin.

Madalas nyang sabihin na siya ang nagbibigay liwanag sa buong kabahayan. Siya ang nagsisindi at nagbibigay apoy para makapagluto. Minsan din daw ginagamit syang tutpik at panglinis ng tenga. At kapag may narinig siyang nagkukwentuhang ibang kagamitan sa bahay, palagi siyang sumisingit sa usapan at inilalagay ang sarili niya bilang pinakamagaling at maraming nagagawa.

Isang araw, gaya ng lagi nyang ginagawa, nagpakitang gilas siya sa mga kasamahan niya. Nagpasindi siya ng apoy. Nahulog ang umaapoy na palito ng posporo. Nasunog ang carpet at kurtina na natamaan nito. Lumaki ang apoy na nauwi sa pagkasunog ng buong bahay. Dahil sa kayabangan niya, tama nga, siya ang nagbigay ng liwanag. Lumiwanag ang buong paligid ng bahay dahil sa sunog na ginawa niya. Lahat apektado. 

Kung ihahalintulad sa tao, maraming beses at pagkakataon na ganun ang nangyayari. Dahil sa may gustong patunayan o ipagyabang sa iba, nauuwi lang sa trahedya. Siguro nga malaki ang pakinabang nila o marami silang kakayahang nagagawa, pero hindi na nila ito dapat ipagyabang kung kani-kanino. Kahit gaano ka kagaling, kung hindi mo naman kayang pigilan ang sarili mo na hangaan ka ng iba, lalo ka lang nilang kaiinisan kesa sa paghangang gusto mong makuha sa kanila.

Tandaan: Sa bawat pagkiskis ng ulo ng palito ng posporo para makagawa ng apoy, iisa lang kinahihinatnan niya. Ang maging ABO. (tapos na?). Oo, kaya wag kang EPAL!

No comments:

Post a Comment