Saturday, November 30, 2013

CHRISTMAS TREE

Hindi porke yan ang titulo eh pasko na agad ang nasa isip ko. (Ano pa nga ba, ungas!) Oo nga pala noh? Alangan naman may Christmas Tree pag summer, ehekhek!


Why yan ang nasulat kong titulo? Dahil siguro “ber” months at malapit na ang pasko. Hindi rin. Bigla na lang kasing tumipa ang mga daliri ko sa keyboard. Hindi tuloy ako makawala sa pag-iisip kung paano ko bibigyan ng buhay ang title na yan. May buhay nga ba siya? Sa tingin mo kaibigan, meron ba?

Matagal na ring panahon na walang nakatayong Christmas Tree sa bahay. Ilang dekada na ba? Di ko na mabilang. Ang alala ko, eight years old pa lang ako nung magkaroon kami niyan sa haus. Gawa pa sa pinutol na sanga ng kaimito na pininturahan ng puti. Sinabitan ng mga kendi. Yung iba totoong kendi, ang iba naman ay maliit na bato na ginagamit namin sa paglalaro ng sungka saka binalutan ng wrapper ng kending Viva at White Rabbit. Hindi na nasundan mula noon.

Nagkaroon na rin kami dati, gawa nga lang sa alambre, bulak, dyaryo, styro at dekorasyong ginagamit ng mananahi sa paggawa ng gown. Nagawa kong Christmas tree, este flower Christmas tree pala dahil proyekto ng mga junakis ko sa skul nila. Magkasunod na taon yun. Magkasunod din hindi namin napakinabangan. Ang nakinabang, skul at syempre ang bumili ng mga yun. (Yabang! Asan ang pruweba aber?) Huwag ka na ngang makialam. Kwento ko ito. Saka wall ko. Pwede ba magbasa ka na lang? (Haba kasi ng intro eh!)

Eto na oh! Sa tingin mo, maganda ba sa paningin ang Christmas Tree kapag walang dekorasyon? Hindi di ba? Bihisan natin. Lagyan natin ng mga palamuti para may buhay sa paningin. At syempre isabuhay na rin natin. Sa paanong paraan? Gawin nating ikaw o ako ang Christmas tree na yun.

Christmas balls – pamilya, kamag-anak at mga kaibigan ang tawag ko diyan. Nandiyan lang sila sa tabi para tulungan kang magningning.

Poinsettia o paskwas – mga papuri, karangalan at magandang alaala ang mga iyan (meron ba?)

Medyas – luma o bago? Kahit ano, basta para sa akin, yan ang mga pangarap. Mga ninanais pang magawa at magkaroon.

Christmas lights – ito naman ang mga pangarap na nakamit, dahilan para magliwanag ang buhay o paligid.

Paper chenille garlands with glitters – mga pagsubok at problemang nalampasan kaya patuloy kang kumikinang.

Gifts – mga blessings na dumating (sana mag-share ka rin).

Star – syempre huwag kalimutan si Bro na nasa itaas. Dahil kung ano ang buhay mo bilang Christmas tree ngayon, sa kanya lahat nanggaling.

Adbans HAPPY CHRISTMAS AT MERRY NEW YEAR sa inyo mga kaibigang Christmas Tree.

No comments:

Post a Comment